Nagsumite na ng kanyang notice of withdrawal sa Comelec si dating National Youth Chairman Ronald Cardema bilang nominee ng Duterte Youth Partylist.
Ang dokumentong isinumite ni Cardema sa Comelec ay pinost ni Commissioner Rowena Guanzon sa kanyang official twitter account kung saan inihayag nito ang kanyang intensyon na tuluyan nang umatras sa pagiging first nominee ng kanilang Duterte Youth.
Ayon kay Cardema, hanggang ngayon ay hindi pa naipoproklama ang kanilang nominado sa kongreso dahil sa aniya’y harassment sa kanya ni Guanzon.
Sinabi ni Cardema na bagama’t umaasa silang papanig sa kanilang Motion for Reconsideration ang Comelec en banc at poprotektahan aniya sila mula sa harassment ni Guanzon, mas minabuti na niyang mag-withdraw sa kanyang nominasyon at isakripisyo na lamang ang kanyang sarili.
Nilinaw naman ni Commissioner Guanzon na wala pang desisyon ang Comelec En banc sa notice of withdrawal ni Cardema.
Una nang kinuwestyon ng ibat-ibang grupo ang ligalidad ng pagiging 1st nominee ni Cardema ng Duterte Youth Partylist dahil sa kanyang edad na 34-anyos.