Roppongi at iba pang properties, handang ibenta ng pamahalaan – Palasyo

Handa ang pamahalaan na ibenta ang ilang ari-arian nito kabilang ang real estate assets sa Japan kung mangangailangan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng karagdagang pondo para mga programa nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi dapat mag-alala ang publiko dahil tinitiyak ng gobyerno na may sapat na pondo ang PhilHealth para sa pagpatutupad ng Universal Health Care programs.

“Dahil nga po sa Universal Healthcare Law, kung kulang po iyan ay tutustusan po galing sa kaban ng taumbayan. Kaya nga po, kung kinakailangan, ibibenta iyong mga properties na iyan. At hindi lang naman po Roppongi, marami pa tayong mga ibang properties na pupuwedeng ibenta,” sabi ni Roque.


Iginiit ni Roque na obligasyon ng gobyerno na pangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino.

Hindi tiyak si Roque kung hanggang kailan magtatagal ang pondo ng PhilHealth dahil sa malawakang korapsyon sa tanggapan.

Paglilinaw lamang ni Roque na ang pagbebenta ng government assets sa Japan ay pawang suhestyon lamang kung kakapusin na ng pondo para sa pandemic response.

Anumang pagbebenta ng ari-arian ay kailangang may pahintulot mula sa Pangulo at sa Kongreso.

Una nang idineklara ng Korte Suprema na ang government assets sa Japan ay bahagi na ng “national patrimony” lalo na at nakuha ang mga ito sa ilalim ng war reparations agreement sa Japan.

Nabatid na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na buwagin ang PhilHealth at bumuo na lamang ng bagong ahensya.

Facebook Comments