Roque, inilagay na sa ILBO

Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Immigration (BI) na ilagay sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang ilang indibidwal na iniuugnay sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa.

Sa sulat ng DOJ para kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kabilang si dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa labingdalawang (12) indibidwal na ipinalalagay sa lookout bulletin.

Ito ay dahil sa kanilang kaugnayan sa iligal na POGO at sa mga opisyal ng Lucky South 99 at Whirlwind Corporation na sinalakay sa Porac, Pampanga.


Batay sa memorandum mula sa Department of Justice inilagay sa ILBO sina:

• Katherine Cassandra Li Ong
• Herminio “Harry” Lopez Roque Jr.
• Xiang Tan
• Jing Gu
• Stephanie Mascareñas
• Michael Bryce B. Mascareñas
• Zhang Jie
• Duanren Wu
• Raymund Calleon Co
• Randel Calleon G. Co
• Dennis L. Cunanan
• Han Gao

Kasunod nito, posibleng maglabas din ng Precautionary Hold Departure Order laban sa mga naturang indibidwal.

Layon nitong mapigilan ang posibleng pagtakas ng mga akusado at paglabas ng bansa.

Sa pamamagitan ng inilabas na lookout bulletin, babantayan ang kanilang mga galaw at aalertuhin ang mga awtoridad sakaling tangkain nilang lumabas ng Pilipinas.

Tinawag naman ni Roque na isang political harassment ang paglalagay sa kaniya sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) dahil wala umanong matibay na ebidensiya na nag-uugnay sa kaniya sa mga iligal na gawain.

Layon lang daw umano nitong patahimikin siya bilang kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon pa kay Roque, wala siyang balak umalis ng Pilipinas at handa siyang harapin ang lahat ng alegasyon na may kaugnayan sa POGO.

Facebook Comments