Rose Nono Lin at iba pa, kinasuhan ng plunder sa Ombudsman kaugnay ng Pharmally issue

Kinasuhan ng plunder sa Office of the Ombudsman ng Samahan ng Progresibong Kabataan o SPARK ang mga negosyanteng sina Michael Yang at Rose Nono Lin, kumakandidatong Congresswoman ng Quezon City 5th district, at iba pang opisyal ng Pharmally gayundin si Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM) Chief Christopher Lloyd Lao kaugnay ng umanoy sabwatan sa pagbili ng mga medical supplies ng gobyerno kontra COVID-19 mula nang maganap ang pandemya sa bansa.

Sa reklamo ni John Lazaro ng SPARK, kailangang mapanagot ng batas ang mga nabanggit dahil bilyong piso ang nalustay sa Pharmally contract habang nagugutom at walang trabaho ang mas maramng mamamayan sa panahon na sumiklab ang COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Lazaro na sapat na ang naipakita ng Blue Ribbon Committee ng Senado sa kanilang imbestigasyon ang nagkokontrahang pahayag ng mga opisyal.


Gayundin, ang mga malawak na nalakap na ebidensya mula na rin sa mga iba pang sangay ng gobyerno na merong sabwatang naganap sa mga pinaparatangan.

Kinuwestyon ng grupo kung bakit naibigay ang kontrata sa isang bagong korporasyon na walang track record o lumalabas na “middle man” lang sa P8 bilyon kontrata na nakuha ng Pharmally, ang kumpanyang wala umanong financial capacity na makuha ang kotrata sa gobyerno.

Kinondena rin ng grupo ang patuloy na pagtatago at pag-iwas ng mga akusado na maimbestigahan sa Senado.

Ikinagalit ng grupo ang paggamit ng mga akusado sa korte at ospital gaya ni Rose Nono Lin na nagsabing magpapaopera nang maglabas ang Senado ng warrant of arrest laban sa kanya dahil sa makailang beses na pag-isnab nito sa patawag ng Senado para maimbestigahan sa naganap na iregularidad.

Sa kasong ito, nasa kulungan ang mga sabit din sa kaso na sina Linconn Ong at Mohit Dargani dahil sa pagtangkang pagtakas kaugnay ng kaso.

Inerekomenda ng SPARK sa Ombudsman na dalhin na sa Sandiganbayan ang kaso at sampahan doon ng plunder ang naturang mga personalidad dahil lampas sa P50 milyon ang nakuhang kontrata kaugnay ng sinasabing anomalya ng Pharmally.

Facebook Comments