Rotational brownout sa Metro Manila at karatig lalawigan, ibinabala ng Meralco sakaling malagay sa red alert status ang mga power grid sa Luzon

Posibleng magpatupad ng rotational brownout ang Manila Electric Company sa Metro Manila at karatig lalawigan na sineserbisyuhan nito.

Ito ang babala ni Meralco Vice President and Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga sa interview ng RMN Manila sakaling umabot sa red alert ang status ng mga power grid na nagsusuplay ng kuryente sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Ayon kay Zaldarriaga, inaasahan na nila ang pagtaas ng demand ng kuryente ngayong summer season kaya may mga paghahanda silang inilatag upang masiguro ang sapat na suplay ng kuryente.


Isa na aniya rito ang pagpasok sa interim power supply agreement para ma-cover ang demand ng kuryente kapag peak season.

Pero nagbabala si Zaldarriaga sa posibilidad na magkaroon ng rotational brownout kapag pumalya ang ilang planta ng kuryente.

Bukod dito, pinaghihinay-hinay rin ng opisyal ng publiko sa paggamit ng kuryente dahil kaakibat aniya ng pagtaas ng demand ang pagtaas din ng presyo nito sa Wholesale Electricity Spot Market.

Sa pagtantsa ng Meralco, ngayon buwan ng Mayo ang peak ng mainit na temperatura kaya tataas ang demand ng suplay ng kuryente.

Facebook Comments