Rotational brownouts, posibleng maranasan muli kapag hindi nahanapan ng kapalit ang Malampaya

Ibinabala ni Senador Win Gatchalian ang posibleng rotational brownouts, lalo na sa kalakhang Luzon sakaling maubos na ang natural gas na sinusuplay ng Malampaya natural gas field pagsapit ng 2024.

Ang Malampaya natural gas field ay pangalawang pinakamalaking pinagkukunan ng suplay ng natural gas ng Luzon upang gumawa ng kuryente sa nakalipas na mahigit dalawang dekada.

Kaugnay nito ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 1819 na nagsusulong sa isang “national energy policy and framework for the development and regulation of the midstream natural gas industry.”


Layunin ng panukala na manghikayat ng mga mamumuhunan sa pribadong sektor para mapalawak pa ang merkado na papabor sa mga ordinaryong mamimili.

Kabilang sa midstream natural gas industry ang transportasyon at pag-iimbak ng Liquified Natural Gas (LNG) at sakop nito ang mga tanker ship na naghahatid ng natural gas sa mga terminal ng LNG o kaya’y mga imbakan nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Iginiit ni Gatchalian na sa lalong madaling panahon ay dapat maikasa na ang LNG terminal projects kung saan maraming local at foreign companies ang nagpahayag ng interest.

Facebook Comments