ROTC cadets at Army reservists, tumulong na rin sa pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng lindol

Naghatid na rin ng tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng lindol sa Northern Luzon ang mga Army Reservist at Reserve Officer Training Corps (ROTC) cadets sa ilalim ng 14th Regional Community Defense Group ng Philippine Army Reserve Command.

Ang mga reservist at ROTC cadets ang naghakot ng mga relief goods na ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Cordillera Administrative Region sa mga bayan sa Abra na lubhang naapektuhan ng lindol.

Habang ang mga tropa naman ng 5th at 7th Infantry Division ay idineploy para tumulong sa road clearing sa mga kalsadang tinamaan ng landslide sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera.


Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) acting Spokesperson Col. Medel Aguilar, ang AFP reservists at ROTC cadets ay ipinadala bilang augmentation para sa humanitarian assistance at disaster response.

Kasunod nito, binigyang diin ni Aguilar ang kahalagahan ng ROTC na nais buhayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Aniya, ihahanda ng ROTC ang mga kabataan para handa silang umagapay sa panahon ng sakuna at pagsasagawa ng disaster response operations.

Facebook Comments