Hati ang ilang mga senador sa panukala ni Senator Ronald Bato dela Rosa na palakasin at itaas ang bilang ng reserve force ng bansa sa pamamagitan ng pagsasabatas sa Mandatory ROTC bunsod na rin ng magkakasunod na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Kung si Senate Minority Leader Koko Pimentel ang tatanungin ay hindi na kailangang gawing mandatory ang ROTC at sa halip ay maglagay na lang ng elective ROTC subjects at kurso sa kolehiyo.
Aniya, dito ay mas laliman ang kaalaman at kakayahan sa pagdepensa ng bansa partikular sa mga mag-aaral na kukuha ng course na ito.
Buo naman ang suporta ni Senator Francis Tolentino sa panukalang gawing mandatory ang ROTC.
Ayon kay Tolentino na isang Brigadier General ng Philippine Army Reserve Force, sinusuportahan niya ang pagbuhay sa ROTC program bilang bahagi ng defense program at pangkalahatang pagdidisiplina sa ating mga kabataan.
Paliwanag ni Tolentino, kung talagang gusto nating tumulong sa bansa ay isang tamang paraan ang pagpapalakas ng ating reserve force.
Kahapon, nagorganisa si Senator Robinhood Padilla, na isang Army reserve Lt.Col., ng isang registration ng Basic Citizen Military Training sa Senado para himukin ang mga opisyal at empleyado na maging reserve force ng bansa.