Roxas, Isabela, Isinailalim sa State of Calamity

Cauayan City, Isabela- Inilagay sa State of Calamity ang bayan ng Roxas, Isabela dahil sa dumaraming nagpopositibo sa COVID-19.

Ito ay alinsunod sa Resolution no. 21-020 na pirmado ni Mayor Jonathan Jose Calderon.

Batay sa report ng Roxas IATF, tumaas sa 441.70% ang epidemic risk ng bayan, kritikal base sa kanilang klasipikasyon mula February 18 hanggang March 17, 2021 at may Average Daily Attack Rate na 7.03 kada 100,000 population.


Nakasaad rin ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bayan na pumalo na sa isandaan at animnapu’t dalawa (162) kasunod ng pagsasailalim sa General Community Quarantine sa bayan habang nagpatupad na rin ng zoning containment strategy sa labing-anim (16) mula sa dalawampu’t anim (26) na barangay sa munisipalidad.

Maliban pa dito, hinihintay rin ang resulta ng walumpu’t tatlong (83) suspected cases kung saan inaasahang sisipa pa sa mga susunod na araw ang bilang ng mga kaso habang patuloy ang isinasagawang contact tracing, surveillance at antigen testing.

Dahil dito, gagamitin ang pondo sa ilalim ng quick response fund ng LGU para sa gagawing hakbang sa pag-iwas sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments