RT-PCR Laboratory, Itatayo sa Nueva Vizcaya

Cauayan City, Isabela- Magtatayo na ng sariling Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) laboratory ang Lalawigan ng Nueva Vizcaya para sa monitoring, detection at treatment ng mga suspected COVID-19 patients.

Ayon kay Engineer Edgardo Sabado, Provincial Planning and Development Officer, kanyang sinabi na ang pagpapatayo ng RT-PCR Laboratory ay isa sa prayoridad ng pamahalaang panlalawigan na itatayo sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital (NVPH) ngayong taon.

Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis na ang pagtukoy sa mga taong carrier na ng COVID-19 at mas mapipigilan ang pagkalat ng virus sa probinsya.


Sinabi naman ni Dr. Edwin Galapon, Provincial Health Officer na sa pamamagitan ng nasabing laboratoryo ay malalaman na agad sa loob ng isang araw ang resulta ng swab test ng isang indibidwal kumpara sa dalawa (2) hanggang pitong (7) araw na paghihintay ng resulta mula sa mga testing centers sa rehiyon na dulot na rin ng mataas na kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Idinagdag pa ni Dr. Galapon na ang nasabing laboratoryo ay pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng halagang P5-milyong piso para sa konstruksyon nito.

Samantala, nakatakda rin magpatayo ng sariling RT-PCR laboratory ang Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) sa bayan ng Bayombong sa tulong naman ng Department of Health (DOH).

Facebook Comments