
Iminungkahi ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na silipin ang rules ng Senado upang tugunan ang patuloy na pag-absent ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado.
Ngayong araw ay magsasagawa ng caucus ang mga senador at dito ay may pagkakataon silang seryosong silipin ang sitwasyon ni Senator Bato.
Ayon kay Lacson, ang patuloy na pag-absent ng isang senador sa komite ay mayroon silang rules dahilan kaya nawawala o inaalis ang isang mambabatas sa pagiging myembro ng komite.
Pero kapag matagal ang pag-absent ng isang senador sa plenaryo ay wala silang umiiral na rules kaya naman kaya mainam aniyang bisitahin ang mga alituntunin sa Senado para maisama na rito ang kahalintulad sa sitwasyon ni Dela Rosa.
Bagama’t mayroon nang unang natalakay ang mga senador na posibleng mga aksyon para sa sitwasyon ni Dela Rosa, wala pa ring naging consensus ukol dito ang mga mambabatas.
Nobyembre noong nakaraang taon pa ay hindi na pumasok sa Senado si Dela Rosa matapos lumutang ang ulat na mayroon itong arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs ng dating Duterte administration.










