Iginiit ni Senator Leila De Lima sa mga otoridad na linawin ang Rules of Engagement kaugnay sa pagpapatupad ng mga pulis ng mga patakaran para sa community quarantine.
Apela ito ni De Lima, kasunod ng ilang insidente ng pakikipagtalo ng pulis, panunutok ng baril at pag-aresto sa mga lumalabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) tulad ng hindi pagsusuot ng face mask.
Inihalimbawa ni De Lima ang isang retiradong sundalo na nabaril at napatay makaraang makipagtalo sa mga police na nakatalaga sa isang checkpoint sa Quezon City.
Tinukoy din ni De Lima ang isang Spanish national na nakatira sa isang village sa Makati City na nakipagtalo sa isang pulis makaraang sitahin ang kaniyang kasambahay na walang mask.
Paliwanag ni De Lima, maiiwasan na may masaktan at may maabuso kung malinaw ang patakaran kung paano ang pagpapatupad ng mga otoridad sa ECQ.