Sa pamamagitan ng Run After Fake Transactions o RAFT Task Force ay pinalakas pa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kampanya laban sa talamak na paggamit ng mga ghost receipts.
Sa pamamagitan ng binuong algorithm ng mga estudyante ng Ateneo de Manila University – Math Department ay mayroon na ngayong kakayahan para matukoy ang mga gumagamit ng ghost receipt sa bansa.
Dahil dito ay naniniwala si BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na mababawasan kung hindi pa man tuluyang matitigil ang pag-iwas ng mga negosyante sa tamang pagbabayad ng buwis.
Aminado si Commissioner Lumagui na multi bilyong piso ang nawawala sa koleksyon ng buwis dahil sa ghost receipt.
Batay sa pagtaya ng BIR, nasa kalahating trilyong piso kada taon ang nawawala sa kabang yaman ng bansa dahil sa kawalan ng kakayahang ma-detect at kakulangan sa law enforcement.
Dahil dito ay nagbabala si Commissioner Lumagui sa mga buyer, seller, corporate officers at mga accountant na nasa likod ng paggamit ng ghost receipt na mahaharap ang mga ito sa kaukulang kaso na may kinalaman sa pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.