Hindi bago sa larangan ng paggawa ng bakuna ang Russia.
Ito ang pahayag ni Food Drugs Administration (FDA) Undersecretary Eric Domingo sa gitna ng agam-agam ng ilang eksperto hinggil sa bilis ng proseso ng pag-apruba ng Russia sa kanilang COVID-19 vaccine.
Ayon kay Domingo, hindi naman ‘unusual’ na mayroon nang ma-develop na bakuna sa loob lang ng ilang buwan.
Ang matagal aniya ay ang pagsubok sa bakuna para masigurong ligtas ito at epektibo.
Dagdag ni Domingo, nais ding malaman ng FDA ang naging batayan ng Russia sa pag-apruba sa Sputnik V.
Pagtitiyak niya, masusunod ang protocol at minimum requirement ng Pilipinas sa pagkuha ng bakuna.
“Meron naman tayong set standards para po magkaroon tayo ng bakuna. Halimbawa ang DOST, meron tayong vaccine expert panel na gagawa ng rekomendasyon kung ano ang minimum requirement natin sa isang bakuna. Dito sa Pilipinas talagang ang requirement natin e naka-complete ng clinical trial phase 3 para makita kung ang isang bakuna po talaga ay safe and effective,” ani Domingo.
Sa ngayon, 165 COVID-19 vaccine ang dine-develop ng iba’t ibang mga bansa at pito rito ang nasa phase 3 trial na.
Hindi kasali rito ang bakuna ng Russia na matatandaang inaprubahan wala pang dalawang buwan mula nang magsimula ang kanilang human testing.
Hindi pa ito sumasalang sa phase 3 ng clinical trial kung saan libu-libong volunteer ang kailangang maturukan para maobserbahan kung epektibo at ligtas ang bakuna.