Uumpisahan na ng Russia sa susunod na linggo ang pagsasagawa ng large-scale clinical trials ng Sputnik V vaccine sa 40,000 tao.
Ang Russian Direct Investment Fund (RDIF) ay sumusuporta sa development ng Sputnik V laban sa COVID-19.
Ang clinical study ay magiging ‘randomized,’ ‘double-blind,’ ‘placebo-controlled’ para malaman kung mabisa at ligtas ang bakuna.
Ang nasabing pag-aaral ay katumbas ng Phase 3 clinical trials na isinasagawa sa iba pang bakuna.
Ayon kay RDIF Chief Executive Officer Kirill Dmitriev, ang clinical trials ay gagawin hindi lamang sa Russia kundi sa United Arab Emirates (UAE), Saudi Arabia, Pilipinas at posible rin sa Brazil o India.
Plano nilang mag-produce ng bakuna sa higit limang bansa kung saan mataas ang demand mula sa Asya at Latin America.
Ang resulta ng clinical trials ay ilalathala sa nangungunang medical magazines ngayong buwan.
Bago ito, sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na sisimulan ang clinical trials ng Russian vaccine sa Oktubre na maaaring magtagal ng hanggang anim na buwan.