Walang nilabag na international law ang Russian submarine na dumaan 80 nautical miles kanlurang bahagi ng Cape Calavite, Occidental Mindoro.
Ito ang nilinaw ni Philippine Navy (PN) Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad matapos ma-detect ang Russian submarine UFA 490 noong Huwebes.
Ayon kay RAdm. Trinidad, awtorisado ang pagdaan ng submarine sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ) salig sa freedom of navigation sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Paliwanag pa nito, unang beses lamang na naka-monitor tayo ng submarine kung saan agad din namang naka -aksyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aniya, dali-daling nag-deploy ng apat na aircraft at vessels ang Sandatahang Lakas matapos ma-detect ang Russian submarine.
Ani Trinidad, tumugon sa radio communication ang naturang submarine kung saan kanilang sinabi na naghihintay lamang itong gumanda ang panahon bago tuluyang tumulak pa-Vladivostok, Russia.
Galing aniya ang submarine sa Kota Kinabalu, Malaysia mula sa isang pagsasanay kasama ang Malaysian Navy.
Sa ngayon, palabas na ng ating Exclusive Economic Zone ang nasabing Russian submarine.