Russian vlogger Vitaly Zdorovetskiy, hindi makalalabas ng bansa hanggang hindi natatapos ang kaso sa Pilipinas —SILG Remulla

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government(DILG) Secretary Jonvic Remulla na mananatili sa Pilipinas si Russian vlogger Vitaly Zdorovetskiy.

Ang pahayag ni Sec. Remulla ay kasunod ng isinasagawang proseso para sa deportation ni Vitaly matapos na iniharap sa media ni DILG Sec. Remulla ang Russian vlogger.

Ayon kay Sec. Remula, reresolbahin na muna ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng limang kasong isinampa laban sa Russian vlogger.

Paliwanag pa ng kalihim na kahit aniya makapagpiyansa si Vitaly ay hindi pa rin ito makalalabas ng Pilipinas dahil mananatili ito sa kostudiya ng BI.

Giit ni Sec. Remulla, panahon na para matuldukan ang pambabastos at pamamahiya ng mga vlogger sa pamamagitan ng kanilang “kupal content.”

Kapansin-pansin na sa gitna ng press conference ay ilang beses nagpakita ng masamang pag-uugali ang Russian vlogger sa pamamagitan ng pagsasabing fake news umano ang mga inilalabas sa audio visual presentation ng mga ginawa ng dayuhan partikular na sa BGC sa Taguig City.

Sa press conference ay ilang beses din itong nakikitang bubulong-bulong ng kontra sa sinasabi ni Secretary Remulla.

Matatandaan na nitong Abril 2 nang arestuhin ng PNP-CIDG si Vitaly dahil sa serye ng mga pangha-harass nito sa BGC.

Facebook Comments