Ruta ng nasa higit 900 traditional jeepneys sa NCR, bubuksan kapag binawi ang MECQ

Bubuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga dagdag na ruta para sa 900 traditional jeepneys sa Metro Manila kapag binawi na ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Batay sa Memorandum Circular 2020-029A ng LTFRB, 15 ruta ang nakatakda sanang buksan nitong August 5 para sa muling pamamasada ng 968 Public Utility Jeepneys (PUJs).

Naantala ito dahil sa pagpapatupad ng MECQ sa Metro Manila at mga katabing probinsya kung saan suspendido ang pampublikong transportasyon mula August 4 hanggang 18.


Ayon sa LTFRB, ang mga sumusunod na ruta ay bubuksan pagkatapos ng MECQ:

  1. Malabon – Monumento via Acacia
  2. Cielito- Novaliches via Zabarte
  3. Novaliches – Deparo via Susano
  4. SM Fairview – Lagro Subd. Loop
  5. Meycauayan, Bulacan – Bignay
  6. Pantranco – Project 8 via Roosevelt
  7. Forbes Park – Pasay Rd. via Ayala Commercial Center
  8. Pasig – Taguig via Maestrang Pinang, Tipas
  9. Marikina – Paenaan
  10. Katipunan – Marcos Ave/Tandang Sora
  11. Cabrera – Libertad
  12. Arroceros – Cubao via España
  13. Quiapo (Barbossa) – Santol, Sta. Mesa
  14. Dagat-dagatan – Delpan via Divisoria
  15. Quiapo – San Miguel via Palanca

Muling paalala ng LTFRB sa mga tsuper at operator na kailangan nilang magkaroon ng Quick Response o QR code na maaari nilang ma-download mula sa website ng LTFRB at dapat naka-imprenta at nakapaskil sa kanilang sasakyan.

Mananatili sa 9 pesos ang minimum fare at P1.50 ang dagdag sa mga susunod na kilometro.

Ang mga bibiyaheng unit ay dapat nakarehistro sa Land Transportation office (LTO) bilang “roadworthy” at mayroong valid na Personal Passenger Insurance Policy.

Mahalagang nasusunod ang health at safety protocols tulad ng pag-check ng body temperature, pagsusuot ng face mask at face shield at social distancing.

Facebook Comments