ALAMINOS CITY, PANGASINAN – Huling araw ng nakasailalim sa GCQ with Heightened Restrictions ang lalawigan ng Pangasinan kung saan inaasahan ngayon ng City Tourism Office ng Alaminos na muling tataas ang bilang ng turista sa unang araw ng MGCQ sa lalawigan.
Matapos i-anunsyo ng palasyo na ilalagay na sa Modified General Community Quarantine o MGCQ restrictions ang lalawigan ng Pangasinan simula sa unang araw ng Nobyembre ay malakas ang paniniwala ng City Tourism ng Alaminos na aakyat ang bilang ng mga turista pagpatak ng MGCQ sa lalawigan.
Ayon kay City Tourism Officer Miguel Sison, sinabi nitong tinatayang nasa 100-200 turista ang bumibisita araw araw sa Hundred Islands simula noong 3rd at 4th quarter ng Oktubre.
Dagdag pa niya, pawang mga local tourists lang ang nakakapasok dahil naka banned ang mga turistang magmumula sa enhanced community quarantine at modified enhanced community areas.
Dahil umano sa pagbabago ng restrictions aniya, maaari nang bumisita ang manggagaling sa ibang probinsiya at kahit mga lugar na may mataas na quarantine classification ay pwede na rin.
Sa kabila ng pagluluwag ng pagbisita ng mga turista, kailangan pa rin sundin ang ilang protocols ng mga manggagaling sa labas ng lalawigan, gaya na lamang ng pagpaparehistro sa S-PASS para sa travel management system.
Sa mga turistang galing naman sa Alert level 3 areas ay kailangan lang magpresenta ng negatibong RT PCR o rapid antigen test na nasa loob ng 72 hours bago bumiyahe o ipresenta lang din ang vaccination card.
Sa mga turistang manggagaling lang dito sa Pangasinan ay kailangan lang mag pakita ng valid ID o proof of residence bago makapasok sa lungsod.
Maaari na rin umano ang mag overnight sa mga guest houses dahil lifted na ang No Movement Day sa lungsod.###