Sa Cebu naman, babae arestado sa alok umano na P75M kapalit ng buhay ni Duterte

Arestado ang isang babae mula Cordova, Cebu matapos umanong maglapag sa social media ng P75 milyon na pabuya sa sinumang papatay kay Pangulong Rodrigo duterte.

Dinakip ng Criminal Investigation and Detection Group in Central Visayas (CIDG-7) ang suspek na si Ma. Catherine Bentolan Ceron, 26, nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa awtoridad, Martes nang mag-post sa Facebook ang suspek ng pagkadismaya sa Pangulo at sinabing puntahan lamang siya ng mga interesado sa pabuya sa kanilang bahay.


Nang usisain, itinanggi ni Ceron na siya ang nag-post ng alok at iginiit na na-hack ang kanyang Facebook account.

Nasa kostudiya ng CIDG-7 ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Article 142 of the Revised Penal Code o Inciting to Sedition.

Samantala, nito lang Lunes nang dakpin ng National Bureau of Investigation ang isang guro sa Zambales na nag-alok ng P50 milyon na pabuya sa papatay kay Duterte.

Sinundan naman ito ng pagkakaaresto rin sa isang construction worker sa Aklan na naglapag naman ng P100 milyon sa parehong dahilan.

Facebook Comments