
Magpapatuloy ang mandato ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.
Ito ang kinumpirma ng komisyon sa kabila ng pagbibitiw ni Commissioner Rossana Fajardo, gayundin ng naunang pagbibitiw ni dating Commissioner Rogelio Singson.
Ayon sa ICI, isinasapinal na nila ang mga rekomendasyong ihahain sa Office of the Ombudsman upang mapanagot ang mga sangkot sa umano’y flood control anomalies.
Sa ngayon, nakapaghain na ang komisyon ng walong referral at kaso sa Ombudsman, bukod pa sa mga joint referral na isinampa kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinatayang halos 100 indibidwal ang sangkot sa mga kasong ito, kabilang ang ilang senador, kongresista, dating at kasalukuyang opisyal ng DPWH, mga kontratista, at maging isang nakaupong commissioner ng Commission on Audit (COA).
Nagbunga na ang pagsasampa ng mga kaso ng ICI, kung saan tatlo na ang naisampa ng Ombudsman sa korte na nagresulta sa pagkakaaresto sa 16 na indibidwal, kabilang si Sarah Discaya, kaugnay ng mga kasong walang piyansa.
Sinimulan na rin ng ICI ang pakikipag-ugnayan sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at iba pang ahensya upang mabawi ang bilyun-bilyong pisong pondo ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, mahigit ₱20.3 bilyon na halaga ng mga ari-arian ang na-freeze, kabilang ang 6,538 bank accounts, 367 insurance policies, 255 sasakyan, 178 real properties, 16 e-wallet accounts, tatlong securities accounts, at 11 air assets gaya ng eroplano at helicopter.










