Manila, Philippines – Buo ng tiwala ni Justice Secretray Vitaliano Aguirre na lulusot sa Senado ang proposed 2018 budget para sa Department of Justice at mga attached agencies nito.
Ito ay makaraang harangin kanina ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon ang paglusot sa Committe on Finance ng pondo para sa DOJ dahil hindi ito nakuntento sa ibinigay nilang pigura kaugnay sa totoong bilang ng mga napapatay na konektado sa war on drugs ng Duterte administration.
Sa panayam sa Senado ay sinabi ni Aguirre, na isusumite nila ang hinihinging report ni Drilon mula sa National Bureau of Investigation.
Mariin ding itinanggi ni Aguirre na itinatago nila ang totoong bilang ng mga napapatay sa katunayan ay napaka transparent ni Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa nabanggit na usapin.
Ipinaliwanag din ni Aguirre na mas mababa ang bilang na hawak ng NBI dahil sinimulan lang nitong imbestigahan ang mga kaso ng pagpatay alinsunod sa kanyang kautusan o department order na ibinaba nito lamang February 2017.
Mahigit 39.8 billion pesos ang hinihinging budget ng DOJ para sa taong 2018 na doble sa mahigit 17.2 billion pesos na panukalang pondo para dito ng Department of Bugdet ang Management.