Sa kabila ng paglaya ni Fr. Chito Soganub, bihag na hawak ng Maute group nasa 45 pa rin ayon sa AFP; Isnilon Hapilon at Omar Maute, buhay pa raw

Marawi City – Matapos ang halos tatlong buwang pagkakabihag ng Maute Terrorist Group, iniharap sa media si father Chito Soganub matapos na ma-rescue ng militar noong Sabado ng gabi sa Bato Mosque, Barangay Sangkay Dansalan, Marawi City.

Sa pagharap ng pari sa media, nagpasalamat ito at sinabing siya ay physically strong at humiling na ipagdasal siya.

Pagkatapos ng maikling mensahe ay agad na umalis ang pari.


Ayon kay AFP chief of staff General Eduardo Año, september 13 unang sinubukan ng militar na i-rescue si Father Chito pero hindi ito naging matagumpay.

Nasundan pa ito noong September 14,15 hanggang sa noong September 16, Sabado ng gabi ay nakakita ng pagkakataon ang militar para mailigtas ang pari.

Kaugnay nito kinumpirma naman ni Año na namatay na sa main battle area sa Marawi City sina Abdullah at Otto Maute at tanging si Omar Maute ang natitirang buhay na silang Bumihag kina Father Chito at Linbird Acopio, guro ng Dansalan College.

Hindi naman daw papayag ang militar na lumabas ng buhay sa main battle area si Isnilon Hapilon na ngayon ay target ng kanilang operasyon.

Sa ngayon ayon pa kay Año, may 45 bihag pa ang Maute Terrorist Group sa Marawi dahilan para mas maging maingat ang militar sa kanilang operasyon.

May 10 mga banyaga pa rin daw na kasama ang mga Maute na patuloy na nakikipagsagupa sa military, karamihan sa mga banyaga ay mga Indonesians.

Sinabi pa ni Año na nanatiling 10 ektarya ang kontrolado ng Maute Terrorist Group sa Marawi City na pilit na tinatrabahong mabawi ng militar.

Facebook Comments