Pagbabawal sa pag-spray ng disinfectants sa tao, muling ipinaalala ng DILG kasunod ng pagkasawi ni police doctor Capt. Casey Gutierrez

Muling ipinaalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units (LGUs), mga sangay ng gobyerno at mga jail facilities na itigil ang pag-spray ng disinfectant sa mga tao.

Ito’y kasunod ng pagkasawi ng police doctor na si Capt. Casey Gutierrez dulot umano ng disinfectant poisoning sa isang quarantine facility sa Pasig City.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ikinalulungkot niya ang pagkamatay ni Capt. Gutierez dahil kailangang mangyari ito gayong mahigpit na ang babala ng DILG at ng Department of Health (DOH) na mapanganib sa kalusugan ang misting at spraying.


Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang kalihim sa pamilya ng nasawing police doctor.

Isa aniya itong kawalan sa mga frontliner na doctor na lumalaban sa gitna ng pandemya.

Iniutos din ng DILG Chief sa Philippine National Police (PNP) na imbestigahan at siguruhing lumabas ang katotohanan sa pangyayari.

Facebook Comments