Camp Marcelo Adduru, Tuguegarao City, Cagayan – Bumagsak sa kulungan ang tatlong indibidwal matapos mahuli dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Sa pamamagitan ng mga magkakahiwalay na operasyon ng PNP ay naaresto ang mga sumusunod: Leonardo Tabarrejo Jr, 35 anyos, residente ng Brgy Villa Gracia, Buguey, Cagayan, Leah Gaduang, 26 anyos, residente ng Caggay, Tuguegarao City at Benjie Ponce, 40 anyos, residente ng Bayawan, Dumaguete City pero pansamantalang naninirahan sa Centro, Roxas, Isabela.
Sa report ng PNP Regional Office 2, dakong alas 12:45 ng tanghali noong ika-19 ng Enero 2018 ay ikinasa ang operasyon laban kay Leonardo Tabarrejo Jr sa Barangay Ziminila, Camalaniugan, Cagayan.
Ito ay matapos matiktikang nagbebenta ito ng shabu. Nakumpiska mula sa kanya ang isang pakete na naglalaman ng shabu at ang ginamit na “buy-bust money”.
Bandang alas 4:15 naman ng hapon noong ika-17 ng Enero 2018 nang makorner si Leah Gaduang sa isang buy-bust operation sa Barangay Caggay, Tuguegarao City kung saan ay nakumpiskahan ito ng tatlong pakete na naglalaman ng shabu at isang libong piso na ginamit sa nasabing transaksyon.
Samantala, nahulog naman sa kamay ng PNP Roxas ang suspek na si Benjie Ponce noong ika-16 ng Enero 2018 matapos masangkot sa gulo sa pamilihang bayan ng Roxas, Isabela.
Si Ponce ay dinakip matapos mahulihan ng isang pakete ng shabu, balisong at mga drug paraphernalia.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 ang tatlong suspek at kasong paglabag sa BP Bilang 6 (Illegal Possession of Bladed/Pointed and Blunt Weapons) ang dagdag na asuntong isasampa laban kay Ponce.
Magugunitang nauna na ring naireport ng RMN Cauayan News ang pagkakadakip ni Pedro Casibang, 36 anyos na residente ng Barangay Buntun, Tuguegarao City mula sa isang buy bust operation at kasama sa nakumpiska sa kanyan ang isang SYM motorcycle.
Ang PNP ay muling magiging aktibo sa kampanya laban sa droga buhat nang muli itong ipag-utos ni Pangulong Duterte noong buwan ng Nobyembre.