Walang epekto sa relasyon ng dalawang Southeast Asian countries ang umusbong muling territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at ng Malaysia.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi maaapektuhan ng Sabah dispute ang bilateral ties ng dalawang bansa.
Ang isyu ay muling nabuhay makaraang maglabas ng pahayag si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin kung saan sinasabi nitong ang Sabah ay pag-aari ng Pilipinas.
Dahil dito, ipinatawag ni Malaysian Foreign Minister Hishammuddin Hussein si Philippine Ambassador to Malaysia Charles Jose para magpaliwanag hinggil sa naturang pahayag ni Locsin.
Giit ni Roque, noon pa man ay mayroon ng conflicting claims ang dalawang bansa sa Sabah, pero hindi dapat ito makakaapekto sa bilateral ties at pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Paliwanag pa nito tulad ng China na mayroon din tayong territorial dispute pero nananatili pa rin nating kaibigan ang China.
Ito ay alinsunod na rin sa foreign policy na ipinatutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘friend to all at enemy to none’.