SABAYANG PAGTATANIM SA PALIGID NG ILOG CAGAYAN, INILUNSAD
Cauayan City, Isabela- Inilunsad ng Provincial Government ng Cagayan ang Massive Seedling Production Program para sa pangangalaga ng Cagayan river.
Ito ay binansagang “I Love Cagayan River: Seedlings of Hope Movement, ang sabayang pagtatanim na ginawa sa Nassiping Reforestation and Eco-tourism Park sa bayan ng Gattaran.
Bahagi rin ang nasabing programa sa Cagayan River Reforestation Project matapos ang nangyaring malawakang pagbaha sa lalawigan.
Ayon kay Governor Manuel Mamba, hindi lamang matatapos sa dredging ang proyekto sa ilog Cagayan dahil kinakailangan din ang ganitong aktibidad na pagtatanim ng ilang punongkahoy sa palibot ng ilog.
Nakiisa rin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Provincial Environment and Natural Resources ng Cagayan, National Bureau of Investigation (NBI) at ang Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Ang Nassiping Reforestation and Eco Tourism Park ay magsisilbing production site ng mga itatanim na seedling sa buong probinsya.
Hiniling naman ng opisyal ang sama-samang pagkilos at paggawa upang muling maibalik ang dating anyo at ganda ng Ilog Cagayan.