Sabayang panalangin, isinagawa ng isang grupo para sa Election 2022

Nagsagawa ng sabayang panalangin ang PasaLord Prayer Movement para sa eleksyon sa 2022.

Kabilang sa mga lumahok ang iba’t ibang religious groups, mga bagong botante, pribadong sektor at maging ang ilang opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Nanay Bing Pimentel, mahalaga ang pagsasagawa ng panalangin upang mailapit ang taumbayan sa pagpili ng tamang mga opisyal ng gobyerno.


Karamihan naman sa nagpahayag ng kanilang panalangin ay hinihiling na sana ay maglingkod nang tapat ang mga tatakbong opisyal at isulong ang karapat-dapat para sa bansa.

Kasabay nito, pinayuhan naman ng isang obispo ang publiko na kilatising mabuti o suriin ang track record ng mga kandidato.

Paliwanag kasi ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, mahalagang matiyak ng mga botante na ang mga kandidato ay nagtataglay ng pangunahing katangian kabilang na ang pagiging maka-Diyos, maka-tao, makabayan at makakalikasan.

Habang batay sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika, ang isang mabuting lider ay nagpapaalipin, nagpapakumbaba, matapat at tunay na naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan nang walang halong sariling interes sa kanyang posisyon at katungkulan.

Facebook Comments