Sablay na preparasyon ng health authorities, sinisi ng isang lider ng Kamara sa pagtaas ng kaso ng leptospirosis

Pangunahing sinisisi ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin sa pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa ang kawalan ng sapat na paghahanda ng mga opisyal na namamahala sa kalusugan.

Suportado ni Garin ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na imbestigahan ang mga palpak na flood control projects pero kanyang ipinunto na may pagkukulang din ang health authorities kaya marami ang dinapuan ng leptospirosis.

Ang leptospirosis ay nakukuha sa paglusong sa baha kaya giit ni Garin sa Department of Health (DOH) dapat ay may naka-imbak na sa mga Local Government Units at mga evacuation centers na Doxycylcine na gamot laban sa leptospirosis.

Ayon kay Garin, sa ganitong paraan ay matitiyak na madaling mabibigyan ng gamot ang sinuman na lulusong sa baha.

Diin ni Garin, dapat magtulungan upang matugunan ang dumaraming kaso ng leptospirosis sa halip na ibunton ang sisi sa mga flood control projects na bigong makahadlang sa matinding pagbaha.

Facebook Comments