SABOG! | Bahay sa may relocation site ng mga Sendong survivors, hinagisan ng granada

Iligan – Iniimbestigahan na ngayon ng Iligan City Police Office ang pagsabog ng isang granada sa isang bahay sa may Bayanihan Village sa Barangay Sta. Elena, Iligan.

Nangyari ang pagsabog, ala-una ng madaling araw kahapon matapos itong ihagis ng mga hindi nakikilalang suspek sa may bandang kusina ng bahay na pagmamay-ari ni Kimaloden Abdullah sa Lot 5, Block 118.

Ayon kay Police Senior Superintendent Leony Roy Ga, hepe ng Iligan City Police Office, na-recover ng mga imbestigador ng pulis ang safety lever at mga grenade fragments mula sa blast site.


Madilim ang paligid at walang testigo sa naturang pangyayari kay nahirapan ang kapulisan na tukuyin ang salarin o mga salarin at ang motibo nito.

Walang nasaktan sa nasabing pagsabog.

Ang Bayanihan Village sa Iligan ay relocation site ng mga sendong survivors na binigay ng gobyerno.

Naging mainit ang naturang lugar ngayon dahil pinapaalis ng lokal na pamahalaan ang mga nakabili ng mahigit dalawang daan (200) housing units na mga taga-Marawi City.

Ayon sa local government, iligal ang pagkakabili sa mga ito dahil nakasaad sa kontrata ng gobyerno at benepisyaryo na hindi nila ito dapat ibenta o kaya ay pa-rentahan.

Facebook Comments