SAFE | DFA kinumpirmang zero Filipino casualty sa pananalasa ng TY Mangkhut sa China

Patuloy na mino-monitor ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sitwasyon at kalagayan ng mga Pilipino sa Guandong Province sa China matapos manalasa ang typhoon Mangkhut nitong Lunes.

Ayon kay Consul General Marshall Louis Alferez, naglabas ng abiso ang Philippine Consulate General sa Guangzhou kung saan pinapayuhan ang mga Filipino na manatili sa loob ng kanilang tahanan at sundin ang abiso ng mga otoridad.

Sa inisyal na impormasyon mula sa pakikipag-ugnayan sa Filipino community leaders sa lugar, walang nasaktan o nasawi sa pananalasa ng bagyong Mangkhut sa Guandong China.


Sinabi pa ni Consul General Alferez nagpalabas ang Guangdong Government ng “three stops” sa layuning makamit ang zero casualty sa pananalasa ng bagyo.

Una rito inilikas ang halos 3 milyong katao sa Southern China habang binabagtas ng bagyong Mangkhut ang Northern China, Inilikas sa ligtas ang nasa 48,000 na fishing boats, sinuspinde ang nasa 29,000 construction sites at isinara ang 640 tourist sites.

Kabilang din sa preparasyon ang pagpapatigil pansamantala sa operasyon ng international airports sa Guangzhou at Shenzen at tigil operasyon din ang normal-speed rail services sa Guangdong at Hainan province.

Facebook Comments