
Nagsagawa ng isang symposium hinggil sa Safe Spaces Act o Republic Act No. 11313 ang mga pulis sa Urdaneta City para sa humigit-kumulang 200 mag-aaral ng Camantiles National High School bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga estudyante tungkol sa kanilang mga karapatan at ang kahalagahan ng pag-iwas sa gender-based sexual harassment sa iba’t ibang lugar tulad ng pampublikong espasyo, paaralan, at maging sa online platforms.
Sa pamamagitan ng talakayan, hinikayat ang mga kabataan na maging bahagi ng pagpapanatili ng respeto sa kapwa at tumulong sa pagbuo ng isang ligtas na kapaligiran para sa lahat. Binigyang-diin din sa symposium ang kahalagahan ng pagiging mulat sa mga batas na nagtatanggol sa karapatan ng kababaihan at iba pang sektor ng lipunan.
Ang nasabing gawain ay bahagi ng patuloy na kampanya ng kapulisan sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mga batas na naglalayong protektahan ang kababaihan at palakasin ang adbokasiya ng paggalang, pagkakapantay-pantay, at kaligtasan sa komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










