Manila, Philippines – Napapanahon na umano para pagkalooban ng insurance ang mga tricycle driver sa buong Pilipinas.
Ito ang nakasaad sa liham ng Lawyers for Commuters Safety and Protection o LCSP kay DILG Secretary Eduardo Año sa harap na rin ng dumaraming bilang ng mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga tricycle.
Nakasaad din sa sulat ni LCSP President Atty. Ariel Inton sa DILG, na sa kasalukuyan ay hindi pa saklaw ng insurance ang mga trike driver pati na ang kanilang mga pasahero.
Paliwanag ni Inton na isa rin aniya ito sa mainit na pinagdedebatihan kapag sila ay nagsasagawa ng konsultasyon sa transport groups.
Napapanahon na ayon sa LCSP na saklawin ng insurance ang mga tricycle driver at kanilang mga pasahero, ito ay dahil hindi na lamang sa loob ng mga subdibisyon o village pumapasada ang mga ito, kundi maging sa mga major thoroughfares at highways.
Kadalasan ay ginagamit din ang mga ito bilang school service ng mga estudyante.
Kapuna-puna din umano na ilan sa mga nagmamaneho ng tricycle ay mga menor de edad na walang lisensya at hindi man lang dumaan sa pormal na driving lessons.
Ang masaklap pa ayon kay Inton ay sobra-sobra sa apat na pasahero ang kadalasang sakay ng mga tricycle na lubhang mapanganib.
Dahil dito, iminungkahi ni Inton sa DILG na saklawin na ng insurance ang mga tsuper ng trike pati na ang kanilang mga pasahero.
Kailangan aniya na ang mga lokal na pamahalaan ang magmando para sa insurance coverage ng mga tricycle sa pakikipagtulungan ng mga insurance companies.