SAFETY FIRST | LTFRB, tiniyak ang kaligtasan ng mga pasahero

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kaligtasan ng mga pasaherong bibiyahe sa mga bus ngayong nagbabadya na ang pananalasa ng bagyong Ompong.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, inatasan na niya ang regional directors na i-monitor ang land operations bilang paghahanda sa magiging epekto ng bagyo.

Ani Delgra, lahat ng regional director lalo na sa mga lugar na direktang tatamaan ng bagyo ay siguruhing bantayan ang public transport operations kada dalawang oras hanggang sa araw ng Linggo (September 16).


Ang utos na ito aniya ay galing na rin mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte at Transportation Secretary Arthur Tugade.

Pinayuhan din ng LTFRB ang mga bus operators na itigil ang operasyon kung mapanganib na sa buhay ng mga pasahero.

Dapat ding patuluyin sa mga terminal ang mga masa-stranded na pasahero para masiguro ang kanilang kaligtasan.

Facebook Comments