SAFETY FIRST | MMDA iniutos na ang pagbaba ng mga billboards

Ipinag-utos ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa mga outdoor advertisers na ibaba na ang kanilang mga billboards ngayong nakataas na ang storm warning signal number 1 sa Metro Manila dahil sa bagyong Rosita.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, dapat ay ibaba ang mga tarpaulin at billboards sa mga pangunahing lansangan dahil sa inaasahang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan at malalakas na hangin sa Hilaga at Gitnang Luzon na dala ng bagyo.

Sinabi pa nito na para sa kaligtasan ng mga motorista at mga pasahero ang kautusan na ibaba lalo na ang mga naglalakihang billboards.


Paliwanag pa ni Lim hindi na kailangan pang hintayin ang buhos ng ulan bago simulang ibaba ng mga advertisers ang kanilang billboard para maiwasan ang mga pinsalang maari nitong idulot.

Makikipag-ugnayan din ang MMDA sa mga miyembro ng MMDRRMC at mga disaster management teams ng mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila para i-monitor ang posibleng epekto ng bagyo sa kalakhang Maynila.

Facebook Comments