Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na mas madaling makakamit ang target ng pamahalaan na zero casualty sa tuwing may tatamang kalamidad sa bansa kung mayroong batas na may kinalaman sa forced evacuation.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kung mayroong nakalatag na batas ukol dito ay mas magiging malinaw kung hanggang saan ang kapangyarihan ng otoridad sa pagpapalikas sa mga residente ng mga lugar na nakatira sa danger zone.
Pero habang walang batas ay sinabi ni Roque na maaari namang ipatupad ang police power para mailikas ng sapilitan ang mga residente pero mas magkakaroon ng otoridad kung mayroong sinusunod na batas dito.
Sa ngayon ay sino mang tumanggi sa mga otoridad na nagpapalikas ay maaari namang masampahan ng kasong refusal to heed lawful orders.
Ito naman ay sa harap na rin ng paulit-ulit na problema ng Pamahalaan sa pagpapalikas sa mga residente na nasa danger zone sa tuwing mayroong nananalasang sama ng panahon.