Tiniyak ng National Capital Region Police (NCRPO) na ipinapatupad nila ang mahigpit na sanitary measures at safety guidelines sa mga pulis na naka-deploy sa mga checkpoints.
Ito’y kasabay ng umiiral na community quarantine sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Chief Major Gen. Debold Sinas, pwede din kunan ng litrato ang mga mahuhuling lumalabag sa social distancing o hindi pagpapakita ng ID.
Inirekomenda rin ni Sinas na pasuotin ng body camera ang mga pulis na nasa checkpoints.
Iginiit ni DILG Sec. Eduardo Año na mahalagang ipatupad ang mahigpit na community quarantine sa Metro Manila upang hindi kakalat ang COVID-19 sa ibang lugar.
Iminungkahi rin ng kalihim ang pag-iisyu ng provisional permits sa mga manggagawa sa Metro Manila bilang gate pass sa quarantine area borders.
Binigyang diin pa niya na walang karapatang pantao na nilabag ang mga awtoridad sa pag-papairal ng community quarantine.
Walang basehan ang mga akusasyong ibinabato sa gobyerno na ang banta ng COVID-19 ay ginagamit na dahilan para ipatupad muli ang martial law.
Hinimok din ni Año ang publiko na makipagtulungan na lang sa mga awtoridad at manatili sa bahay kung walang mahalagang lakad.