Pinaigting pa ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang kanilang safety measure makaraang magpositibo sa COVID-19 ang lima nilang empleyado.
Ayon kay MARINA Admininistrator Robert Empedrad, apat mula sa limang personnel nila ang nagpositibo sa COVID-19 ay naitala sa Cebu.
Kaya naman ipinag-utos niya na mahigpit na ipatupad ang mga inilatag na Health Protocols, para sa frontliners at iba pang mga opisyal at kanilang tauhan.
Kabilang sa mga health protocol na kanilang paiigtingin ay ang pagpapairal ng social distancing sa mga empleyado at frontliners sa Malasakit Help Desk sa PITX at SM.
Mandatory na ang pagsusuot ng Personal Protective Equipment (PPE) sa mga help desk kung saan inaasatan na ang Management Financial and Administrative Service na bumili ng mga PPE na kailangang maipamahagi bago sumapit ang Biyernes.
Dapat ding may alcohol o sanitizer at mga sabon sa mga help desk maging sa opisina ng MARINA.
Ang lahat naman ng personnel sa mga opisina at frontliners ay inaatasan din na iwasan ang pakikipag-usap sa isa’t isa, maliban na lamang kung tungkol sa trabaho.
Marapat din na manatili lamang sa mga cubicle at dapat pairalin ang social distancing kahit sa kanilang lunch break.
Bukod dito, paiiralin din ang social distancing sa Central Office kung saan aayusin ang mga upuan na may isang metrong layo sa isa’t isa.
Magpapaskil din ng mga COVID-19 health reminders sa bawat MARINA offices.