Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver ng Public Utility Vehicles (PUVs), maging sa mga pasahero na alamin ang safety measures bago sumabak sa kalsada.
Bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2019 ng Department of Transportation (DOTr), naglabas ng safety reminders ang LTFRB para sa mga bibiyahe ngayong panahon ng Kwaresma.
Para sa PUV drivers, palagiang tingnan ang road worthiness ng kanilang mga sasakyan, kung saan dapat nasa mabuting kondisyon ang brakes, engine, batteries, tires, lights at air-conditioning units.
Iwasan din ang “driver fatigue”, kung saan six-hours straight lamang pwedeng magmaneho ang mga PUV drivers lalo na ang mga tsuper ng bus.
Mayroon din dapat silang mga karilyebong driver na papalit sa kanila kapag mahaba ang biyahe.
Hindi rin dapat nagmamaneho kapag naka-inom ng alak o lulong sa ipinagbabawal na droga.
Maging maalam sa road conditions at mag-ingat lalo na sa mga accident-prone areas.
Ugaliing sumunod sa batas trapiko at dalhin ang mga mahahalagang dokumento gaya ng drivers’ license.
Para sa mga pasahero, maging maaga sa paghahanda para sa kanilang biyahe at huwag sumakay sa mga kolorum na PUV.
Hinikayat ng LTFRB ang mga biyahero na isumbong ang mga kolorum na PUV at iba pang paglabag sa kanilang hotline 1-3-4-2 o sa official Facebook page ng ahensya.