Cauayan City, Isabela- Nagtipon-tipon ang ilang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa Provincial Capitol Amphitheater sa Lungsod ng Ilagan upang talakayin ang Safety Seal Certification.
Naging tampok sa ginawang pulong ang Safety Seal Certification na kailangang ipatupad sa bawat LGU at gusali sa probinsya para sa gagawing akreditasyon ng DILG bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng kaso ng COVID-19 Delta variant sa bansa.
Alinsunod sa DILG Memorandum Circular No. 2021-053 na may petsang Mayo 21, 2021 sa ilalim ng Safety Seal Certification Checklist, mayroon ng labing-anim (16) na nailistang requirements ang DILG na kailangang sundin ng mga LGUs upang mabigyan ng nasabing sertipikasyon.
Nangunguna sa requirements ang striktong pagpapatupad ng Minimum Public Health Standards (MPHS); paggamit ng Staysafe.ph o kahit anong gamit para sa contact tracing at matiyak na ligtas ang mga tao sa loob ng establisyemento.
Dito, kinakailangan din na dapat sa isang establisyemento, mayroong sabon, sanitizers at hand drying equipment para sa mga bisita o kliyente; may nakalagay na physical barrier o sticker sa sahig upang maobserbahan ang social distancing; may presensya ng BHERTs at nakikita ang COVID-19 emergency hotlines sa mga kapansin-pansin na lugar.
Ayon kay Provincial Safety Officer Atty. Constante Foronda Jr., kinakailangan aniya sa bawat gusali na sakop ng DILG sa pagbibigay ng Safety Seal na sumunod sa mga parameters upang mainspek at mabigyan na ng Seal.