Manila, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagsusulong ng partnership sa pagitan ng mga magsasaka, mangingisda at sa pribadong sektor.
Nitong April 17 nang malagdaan ng Pangulo ang Republic Act 11321 o Sagip Saka Act.
Sa ilalim ng bagong batas, itatatag sa Department of Agriculture (DA) ang Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program, na layuning magkaroon ng holistic approach sa pag-promote ng pagbuo ng enterprises na may kaugnayan sa agricultural at fishery products.
Ang programa ay gagamit ng agham at teknolohiya sa pagtukoy at pagprayoridad ng agricultural at fishery products.
Sa tulong ng partnership o alliances sa pagitan ng magsasaka at mangingisda sa pribadong sektor ay mapapabuti ang market access sa producer groups.
Ang pribadong sektor naman ay dapat may financial at organizational capability at may kakayahang magbigay ng equipment, machinery at iba pang uri ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na nasa enterprise development.
Bibigyan din ng tax exemptions ang mga organisasyon na magdo-donate ng real at personal properties sa magsasaka at mangingisda.
Nakasaad din sa batas na bubuo ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Council na tututok sa implementation ng programa.