Pinaalalahan nila CIBAC Partylist Representative Bro. Eddie Villanueva at Domingo Rivera ang mga magulang na hindi mapapakinabangan ng mga estudyante sa katagalan ang “Sagot for Sale” scheme na ibinulgar ng Department of Education (DepEd).
Nauna rito ay pinaiimbestigahan na ng DepEd ang nabunyag na “Sagot for Sale” scheme kung saan ang mga magulang ay nagbabayad sa iba para sagutan ang learning modules ng mga anak.
Kapwa dismayado ang dalawang kongresista sa natuklasang gawain ng mga magulang mula ng maisailalim sa blended learning ang mga mag-aaral bunsod ng COVID-19 pandemic.
Iginiit ni Villanueva, na isang Deputy Speaker, na hindi mapapakinabangan o hindi mabebenepisyuhan ang mga estudyante sa “Sagot for Sale” na isang malinaw na pandaraya at pangungunsinti sa panig ng mga magulang.
Aniya, ang mga mag-aaral lamang din ang mahihirapan sa “after effects” o epekto nito dahil nakokompromiso ang kanilang pagkatuto at pag-unlad.
Nakiusap naman si Rivera na bagamat naiintindihan nila ang hirap sa bagong set up ng pagaaral na sinabayan pa ng mga problema dulot ng pandemya ay hindi ito lisensya para gawing madali at balewalain ng mga magulang ang pagkatuto ng mga anak.
Batay pa sa assessment ng DepEd sa pagkatuto ng mga mag-aaral, lumalabas na 99.13% ng mahigit 14 milyong magaaral sa public schools ang pasado sa unang quarter ng school year kung saan hindi pa kasama rito ang mga estudyante mula sa National Capital Region (NCR), Region 7 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).