Sagot pa rin ng PhilHealth ang COVID-19 testing ng nagbabalikbayang OFWs

Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sagot pa rin nito ang COVID-19 test para sa mga nagbabalik na OFWs sa bansa, alinsunod sa IATF Resolution No. 168, s. 2022.

Sa Advisory No. 2022-0026 ng PhilHealth kamakailan, inaprubahan sa isang Special Meeting ng PhilHealth Board na pinangunahan ng Officer-in-Charge ng Department of Health at Board Chair Dr. Maria Rosario S. Vergeire ang nasabing benepisyo bilang pagkilala na rin sa mahalagang bahaging ginagampanan ng mga OFWs sa bansa.

Magpapalabas naman ng Circular ang PhilHealth para sa kumpletong guidelines para dito na may bisa simula Agosto 31, 2022.


Kamakailan ay inilabas ang PhilHealth Circular No. 2022-0018 kung saan nakabatay ang COVID-19 testing coverage sa DOH Memorandum No. 2022-013 o “Updated Guidelines on Quarantine, Isolation and Testing for COVID-19 Response and Case Management for the Omicron Variant.”

Ayon sa nasabing Circular, babayaran ng PhilHealth ang RT-PCR tests, plate-based man o cartridge-based, ng mga sumusunod na priority groups: A1 o healthcare workers, A2 o senior citizens, A3 o persons with comorbidities at high risk para sa malubhang sakit at  iba pang may sintomas ng COVID-19 maliban sa A1, A2 at A3.

Binigyang diin sa nasabing Circular na hindi inirerekomenda ang COVID-19 testing para sa screening ng mga taong walang sintomas ng COVID-19 maging ang kanilang asymptomatic na close contact.  Sa halip ay inirerekomenda ang pag-monitor sa mga may sintomas. Sakali namang kailanganin ang testing, ito ay dapat na isagawa limang (5) araw mula sa huling araw ng exposure sa COVID-19.

Sagot ng PhilHealth ang plate-based RT-PCR test mula P800 hanggang P2,800 samantalang ang cartridge-based PCR naman ay mula P500 hanggang P2,450 depende sa pinanggalingan ng test kit.

Ipinaalala din na binabayaran nito ang facility-based rapid antigen test (RAT) sa halagang P500. Ito ay magagamit ng mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19 sa mga accredited Community at Home Isolation Benefit Package providers.  Maaari din itong ma-avail ng mga pasyente na naka-admit sa mga accredited hospitals at infirmaries/dispensaries.

Facebook Comments