Manila, Philippines – Sa pagkakaalam ng mga Senador ay impeachment lang ang proseso na maaring gamitin para mapatalsik si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pwesto.
Tugon ito ng mga Senador sa Quo Warranto Petition na inihain laban kay Sereno ni Solicitor General Jose Calida.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, kailangang pag-aralan mabuti ang hakbang ng Solicitor General dahil malinaw sa konstitusyon na anumang paraan na labas sa impeachment para patalsikin ang Punong Mahistrado ay lalabag sa probisyon ng konstitusyon.
Dahil dito ay nagpahayag ng pagkabahala si Senator Bam Aquino na iniiba ang napakalinaw na proseso na nakasaad sa ating Saligang Batas.
Ayon kay Aquino, mas maganda kung hahayaan na lang ang kongreso at senado na gawin ang trabaho nito kaugnay sa kinakaharap na Impeachment Complaint ni Sereno.
Umaasa naman ang Liberal Party na pinamumunuan ni Senator Kiko Pangilinan, na mabibigyan ng pagkakataon si Sereno na idepensa ang kanyang sarili sa pamamagitan ng Impeachment Trial kung saan aakto ang senado bilang Impeachment Court, ang mga senador bilang mga mahsitrado at ang mga kongresista bilang mga taga-usig.
Banta naman ni Senator Antonio Trillanes IV, maaring ipa impeach ang mga mahistrado ng kataas taasang hukuman na papabor sa nabanggit na Quo Warranto Petition laban kay Sereno.