Sagupaan ng Militar at NPA sa Maconacon, Isabela, Walang Naitalang Casualty

Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army na walang naitalang nasugatan o nasawi sa panig ng kasundaluhan sa nangyaring engkwentro laban sa mga makakaliwang grupo sa Barangay Aplaya, Maconacon, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan Cauayan kay Captain Rigor Pamittan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, kanyang sinabi na walang nasaktan o naitalang casualty sa tropa ng pamahalaan ganun din sa panig ng mga nakalabang NPA.

Sa kanilang isinasagawang hot pursuit operation ay wala din nakita ang kasundaluhan na bakas ng dugo sa pagpwestuhang lugar ng mga rebelde kaya tiwala si Captain Pamittan na wala rin casualty sa grupo ng mga rebelde.

Bukod dito, wala rin narekober ang kasundaluhan na war material o gamit ng mga nakasagupang NPA.

Ayon pa kay Cpt. Pamittan, ang mga nakasagupa ng tropa ng 95th Infantry Battalion sa barangay Aplaya ay mga natitirang kasapi ng Komiteng Probinsya ng Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KPI-KRCV).

Matatandaan na nitong Marso 24, 2022, habang nagsasagawa ng intensified military operations ang kasundaluhan ng 95th IB sa lugar ay bigla silang pinaputukan ng hindi pa matukoy na bilang ng mga rebelde na kung saan tumagal ng 15 minuto ang kanilang palitan ng putok ng baril.

Kaugnay nito, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang pagtugis ng militar sa mga nakasagupang NPA sa coastal town ng Isabela.

Facebook Comments