
Hinamon ni Palace Press Office Secretary Claire Castro si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na patunayan ang kaniyang alegasyon na may nag-utos umano kay Castro na maglabas ng pahayag hinggil sa papel ng alkalde sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay Castro, dapat iwasan na ang “guessing game” at pang-iintriga sa kaniyang trabaho lalo’t walang ebidensya ang akusasyon ni Magalong.
Giit pa ni Castro, personal na desisyon ng alkalde ang pagbibitiw sa ICI at hindi ito dapat ibunton sa kaniyang naging pahayag.
Matatandaang sinabi ni Magalong na si Castro ang dahilan ng kaniyang pagbibitiw sa ICI matapos linawin ng Palasyo na ang papel niya ay bilang “special adviser” lamang at hindi imbestigador.
Giit ni Castro, si Magalong lamang ang “nag-presume” bilang imbestigador ng ICI, na taliwas sa mismong pronouncement ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.









