Sahod, benepisyo, at pensyon ng sundalo at pulis, hindi maantala sa 2026 budget

Nilinaw ng Department of Budget and Management o DBM na hindi maaapektuhan ang salary increase, retirement benefits at pensyon ng military at uniformed personnel sa ilalim ng unprogrammed appropriations ng 2026 national budget.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DBM Secretary Rolando Toledo na hindi totoo ang kumakalat na balitang tinanggal ang pondo para sa personnel services ng military at pulis.

Paliwanag ni Toledo, ang isyu ay tumutukoy lamang sa subsistence allowance increase na inilipat mula sa isang pondo patungo sa regular budget ng kani-kanilang ahensya, at hindi inalis ang pondo.

Bahagi aniya ito ng hakbang ng pamahalaan para mas maging mabilis at malinaw ang paglalabas ng benepisyo sa mga tauhan.

Binigyang-diin din ng DBM na ang salary increase ng lahat ng government employees, kapwa sibilyan at uniformed personnel, ay nakatakda at saklaw na ng 2026 budget.

Pagdating naman sa pensyon, tiniyak ng DBM na hindi ito maaapektuhan.

Tanging ang ilang bagong magre-retire sa ilalim ng optional retirement ang posibleng maantala, ngunit may nakahandang pondo ang gobyerno para rito kung kakailanganin.

Dagdag pa ng DBM, sisimulan ngayong 2026 ang unang tranche ng base pay adjustment ng military at uniformed personnel na nagkakahalaga ng ₱21.7 bilyon, kung saan ₱15.4 bilyon ay para sa sahod ng mga aktibong tauhan at ₱6.3 bilyon para sa pensyon.

Facebook Comments