Cauayan City, Isabela- Inaayos na ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) Isabela ang naantalang sahod ng mga contact tracer na siyang katuwang ng pamahalaan sa pagtukoy ng iba pang posibleng nahawaan ng COVID-19.
Ito ay bunsod ng hinaing ng ilang contact tracer sa sinasabing ‘delayed’ ang kanilang pagtanggap ng sahod.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Engr. Corazon Toribio, DILG Provincial Director, kasalukuyan ng ipinoproseso ng pangrehiyong tanggapan ng ahensya ang payroll ng mga empleyedo kung kaya’t mayroon lang na kaunting pagkaantala ng mga sahod.
Aniya, individual payroll ang pagbabayad sa mga ito kung kaya’t isa-isang ipinoproseso ang mga dokumento na ipapadala sa DILG region 2 para sa pagrelease ng nasabing pondo.
Aminado naman si Toribio na may ilan pang contact tracer ang hindi pa nakakasahod nitong nakaraang Oktubre.
Ayon pa kay Toribio, kasama rin sa mga babayaran ng ahensya ang libreng transportation allowance at communication allowance.
Magtatapos naman ang kontrata ng mga contact tracers sa Disyembre 31 at hihintayin pa rin ang susunod na hakbang ng ahensya kung magpapatuloy pa ang kanilang contact tracing.
Sa Isabela, nasa 570 ang kabuuang bilang ng mga contact tracers mula sa 1,215 sa lambak ng Cagayan.