Matagal na dapat naipatupad ang dagdag sahod sa mga guro sa bansa.
Ito ang hinaing ng ilang miyembro ng koalisyon o samahan ng mga teacher sa idinaos na forum ng E-net Philippines dito sa National Press Club ngayong biyernes.
Ayon kay Edelwisa Puri, ng grupong Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers, ilang taon na itong delay at medyo malayo pa rin sa dapat na sinasahod ng mga guro kada buwan.
Dapat din aniya na umaabot na sa salary grade 20 ang sahod ng mga guro o nasa mahigit P50,000.
Tinalakay rin dito ang iba’t ibang usapin at problema sa sektor ng edukasyon gaya ng kakulangan ng boses ng mga guro para maiparating ang hinaing sa Department of Education (DepEd).
Sa ngayon, hinihiling nila na magkaroon ng maayos at malinaw na pakikipag-dayalogo ang DepEd sa mga teacher para malaman din ng mga ito ang mga plano at programa para sa kanila.
Kasama sa mga grupong dumalo ang Alternative Learning System – Manila, Teachers and Employees Association for Change Education Reforms and Solidarity, Gurong Nagbabalik sa Bayan, Public Services Labor Independent Confederation, at Lakas HS ng Botolan, Zambales.
Kahapon, sa pagdiriwang ng National Teachers’ Day, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inatasan na niya ang DepEd na isulong ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.