Sahod ng mga kasambahay, pinare-review na rin ng DOLE sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards

Ipinag-utos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa lahat ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBS) na isama ang sahod ng mga kasambahay sa rerebyuhin para sa posibleng umento.

Sa ngayon, binigyan ng hanggang katapusan ng Abril ang wage boards para isumite ang kanilang rekomendasyon na taasan ang minimum wage sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sinuportahan naman ito ni National Wages and Productivity Commission Executive Director Maria Criselda Sy, lalo na’t lahat naman aniya ng mga manggagawa ang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin.


Sa kasalukuyan, nasa dalawang libong piso ang nakasaad na monthly salary ng mga kasambahay sa Davao Region na mas mababa kumpara dito sa Metro Manila at Central Visayas na limang libong piso.

Batay sa isinagawang survey ng pamahalaan noong 2019, lumalabas na naglalaro sa dalawang libo, tatlongdaan at siyam na piso ang kinikita ng stay-in na kasambahay sa barmm habang limang libo, walongdaan at labinglimang piso naman dito sa Kamaynilaan.

Nasa mahigit 1.4 million ang mga nagtatrabaho bilang domestic helpers sa buong bansa.

Facebook Comments